Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensyahan. Kapag dala
ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan o nakatapon ng sabaw
sa hapag kainan, huwag mo naman sana akong
kagagalitan. Maramdamin ang isang matanda. Nagse-self-pity ako sa
tuwing sisigawan mo ako.
Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan ang sinasabi
mo, huwag mo naman sana akong sabihan ng "binge!" paki-ulit nalang
ang sinabi mo o pakisulat nalang. Pasensya ka na, anak. Matanda na
talaga ako.
Kapag mahina na tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong tulungang
tumayo, katulad ng pag-aalalay ko sa iyo noong nag-aaral ka pa
lamang lumakad.
Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging makulit at
paulit ulit na parang sirang plaka. Basta pakinggan mo na lang ako.
Huwag mo sana akong pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan.
Natatandaan mo anak noong bata ka pa? Kapag gusto mo ng lobo,paulit-
ulit mo 'yong sasabihin, maghapon kang mangungulit hangga't hindi mo
nakukuha ang gusto mo. Pinagtiyagaan ko ang kakulitan mo.
Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy matanda, amoy
lupa. Huwag mo sana akong piliting maligo. Mahina na ang katawan ko.
Madaling magkasakit kapag nalamigan, huwag mo sana akong
pandirihan. Natatandaan mo noong bata ka pa? Pinagtiyagaan kitang
habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.
Pagpasensyahan mo sana kung madalas, ako'y masungit, dala na marahil
ito ng katandaan. Pagtanda mo, maiintindihan mo rin.
Kapag may konti kang panahon, magkwentuhan naman tayo, kahit sandali
lang. inip na ako sa bahay, maghapong nag-iisa. Walang kausap. Alam
kong busy ka sa trabaho, subalit nais kong malaman mo na sabik na
sabik na akong makakwentuhan ka, kahit alam kong hindi ka interesado
sa mga kwento ko.
Natatandaan mo anak, noong bata ka pa? Pinagtiyagaan kong pakinggan
at intindihin ang pautal-utal mong kwento tungkol sa iyong teddy
bear.
At kapag dumating ang sandali na ako'y magkakasakit at maratay sa
banig ng karamdaman, huwag mo sana akong pagsawaan alagaan.
Pagpasensyahan mo na sana kung ako man ay maihi o madumi sa higaan,
pagtiyagaan mo sana akong alagaan sa mga huling sandali ng aking
buhay.
Tutal hindi na naman ako magtatagal.
Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw, hawakan mo sana ang
aking kamay at bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin ang
kamatayan.
At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos na lumikha,
ibubulong ko sa Kanya na pagapalain ka sana ... dahil naging
mapagmahal ka sa iyong ama't ina...
-Written by Rev. Fr. Ariel F. Robles
CWL Spiritual Director
St. Augustine Parish
Baliuag, Bulacan
Saturday, August 23, 2008
Sulat ni Tatay at Nanay sa Atin
Posted by foxfugitive at 4:03 AM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment